Edukasyon ng Isa: Kinabukasan ng Marami

ni J. Chenglay

Tanggap na nating lahat na naghihirap ang Pilipinas. Malungkot man isipin ngunit alam na natin na minamata ang mga Pilipino. Marami na akong mga pelikulang napanood kung saan mga Pilipino ang nagsisilbing mga kasambahay lamang ng mga mayayamang Amerikano. Marami rin akong napanood na halatang mababa ang tingin sa Pilipinas. Naaalala ko ang isang episode ng Desperate Housewives (isang teleserye sa Amerika) kung saan nainsulto ang mga doktor ng Pilipinas. Ipinahiwatig dito na ang mga doktor ng Pilipinas ay hindi dapat pagkatiwalaan at walang katuturan upang manggamot sa kanila.

Tunay na masakit pakinggan ang mga ganito, ngunit bakit nga ba ganito ang tingin sa mga Pilipino? Saan ba tayo nagkukulang? Hirap na hirap na ang Pilipinas at pinaganda lamang ang tawag dito kaya sinabing “developing country” raw tayo. Isipin natin, totoo nga bang umuunlad tayo sa kalagayang ito? Sinasabi nila na marami nang pagkukulang sa Pilipinas maging sa ekonomiya, teknolohiya pati na rin sa edukasyon. Unti-unting bumababa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas at lumalaki ang porsiyento ng mga hindi nakakapagpasok sa paaralan lalo na sa mga lalawigan na hindi pa ganap na nakakaunlad.

Maraming sa mga kabataang nasa namumuhay sa ilalim ng poverty line ang hindi nakakapagpasok sa paaralan dahil wala silang pambayad sa matrikula. Napipilitan silang magtrabaho na lang bilang tagabenta ng Sampaguita o mga basahan sa kalsada. Mayroon namang mga masmapalad na nakakapasok sa paaralan ngunit dahil sa kahirapan, hindi sila nakakapasok araw-araw. Marahil mahirap makarating sa paaralan o paminsan-minsan ay kailangan nilang tumulong sa trabaho ng kanilang mga magulang. Siguro noong panahong bago tuluyang humina ang ekonomiya ng Pilipinas, bihira lamang makarinig ng mga kuwento tungkol sa kawalan ng edukasyon nang dahil sa kahirapan. Ngunit sa panahon ngayon, nagiging normal na lamang ang mga sitwasyon na ito.

Kung minsan ay napapaisip na lamang ako kung wala na bang pag-asa ang kalidad ng edukasyon ng maramihan sa Pilipinas? Siyempre mayroon pa ring mga iilang porsiyento ng kabataan ang mapalad na nakakapasok sa paaralan na walang katingting na tunay na hirap. Ngunit mas marami pa rin ang mga gustong mag-aral ngunit walang pagkakataon na makamit ito. Mabilis na ang takbo ng mundo ngayon, marami na ang mga napapag-aralan at marami nang mga bansang umuunlad ng lubos. Ayon sa mga ideyal na pag-iisip, nakakahabol rin tayo sa takbo ng mundo ngayon ngunit alam nating hindi ito nangyayari. Dapat na lang ba nating hayaan ang patuloy na pamumulok ng mga potensiyal ng mga Pilipino? Mayroon pa ba tayong magagawa para naman hindi na mababa ang tingin sa mga Pilipino? Ang sagot diyan ay isang malaking OO at ipinakita ni Efren Penaflorida ang halaga ng edukasyon bilang isang bahagi ng kultura ng isang bayan.

Si Efren Penaflorida ay isang guro at social worker sa Pilipinas. Ang kanyang ama ay isang tricycle driver at ang kanyang pamilya ay may isang maliit na pansiterya. Nakatira sila malapit sa isang dump site sa may Cavite. Nakapagtapos siya ng elementarya at hayskul sa pamamagitan ng mga financial aids at scholarships. Kungbaga, si Efren ay isang tipikal na Pilipinong naghihirap. Sa kalagayang iyon, paano ba naging bayani si Efren hanggang sa nakilala na siya bilang CNN HERO OF THE YEAR para sa taong 2009?

Mabisang naipakita ni Efren ang kanyang tungkuling makatulong sa pagpapaaral ng mga naghihirap na kabataan. Siya ang namuno at nagpatayo ng Dynamic Teen Company (DTC), isang organisasyong kung saan tinuturuan nila ang kabataan maging mga responsableng mamamayan. Sinimulan rin niya ang kanyang pushcart classroom kung saan nakakapagturo siya sa iba’t ibang mahihirap na lugar sa pamamagitan ng isang kariton. Ang mga pangkaraniwang gamit sa silid-aralan ay inilagay niya sa kariton at dinala sa mga batang nangangailangan ng edukasyon. Hindi naging kumbensiyonal ang mga lugar na pinuntahan niya tulad ng mga tambakan ng basurahan at sementeryo. Dahil sa kanyang determinasyon at pagpapahalaga sa edukasyon ng mga Pilipino, tunay na nakatulong siya sa mga kabataang Pilipino.

Sinasabi nilang isang mahalagang pundansiyon ang kabataan. Naniniwala ako sa kasabihang ito. Naniniwala rin ako na upang makapagtayo ng matatag na pundasyon ang isang bayan, dapat ay sikapin ng mga mamamayan ang makapag-aral at gamitin ang mga natutunan. Si Efren ay isang simpleng Pilipino na may malaking pangarap. Tularan natin siya at ihandog ang kahit kaunting panahon at sipag upang maangat ang kalagayan ng Pilipinas. Hindi natin kailangan maging isang mayaman o may malaking impluwensiyang Pilipino. Kailangan lang natin ng pusong tunay na may pagmamahal sa bayan. Dapat rin nating maunawaan na ang edukasyon ng isa ay kinabukasan ng buong bayan.

Ang edukasyon ng bayan ay kasali na rin sa kultura nito. Kung gusto nating magbago ang tingin ng mga ibang bansa sa Pilipinas, hindi tayo dapat simpleng umaangal na lamang at nagagalit sa mga panlalait nila. Sikapin nating magkapagsimula ng pagbabago upang maitaguyod muli ang mga maaaring ipagmalaki ng Pilipinas. Sikapin nating tumulong sa pagpapatayo ng bayang may kalidad at bayang nagtatagumpay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: