Pagbabalik-tanaw sa Kasaysayan ng Kainan

ni A.J. Piquero

Nakakabit na sa kultura ng mga Pilipino ang pagkahilig ng mga ito sa pagkain. Sa paglibot pa lamang sa mga lalawigan sa bansa, mayroon ka nang matitikmang putaheng bago sa panlasa na tiyak na kagigiliwan. Nariyan ang mga pansit, paella, suman, at iba pang kakanin na may kakaiba sa mga sangkap na ginamit sa bawat bayang iyong madaanan. Nariyan din  ang sarili nilang bersyon ng longganisa, alak at lutuin sa manok, isda, baka at baboy. Nariyan ang iba’t ibang lutuin tulad ng sinigang (sa miso, sa sampalok, at sa marami pang iba), adobo (manok, baboy, pusit, mani, may pinya man o wala), inihaw (mula sa karne ng baboy, manok at baka, hanggang sa mga lamang-dagat), lechon (kasama ang mga kambing at baka), mechado, kare-kare, menudo, afritada, puchero, dinuguan, gisado, at kahit sa mga putaheng mayroong gulay. Kahit sa mismong wika natin, may makikitang bakas ng pagkahilig natin sa pagkain. Sa palay pa lamang ay may katawagan tayo sa bunga nito (palay), sa giniling na palay (bigas), sa lutong bigas (kanin), sa matigas na kanin (bahaw o tutong) at pati na rin sa tinustang kanin sa mantika (sinangag). Isama pa riyan ang iba’t ibang tawag sa manok, baka at baboy.

Ito ang dahilan kung bakit saan ka man lumingon sa kahit anong lugar sa ating bansa ay makakakita ka ng isang kainan. Mula sa mga simpleng karinderya hanggang sa mga nagsusulputang mga fastfood chains. ano nga ba ang isang karinderya? Ano ang pagjkakaiba ng karinderya sa fastfood? Paano lumaki ang mga ganitong negosto? Iyan at marami pang mga tanong ang maaring masagot, dagdag pa ang mga kwentong tiyak na mapupulutan ng  mga aral. Kaya’t halina’t tuklasin ang hiwaga sa likod ng bawat isa.

Karinderya

Ang karinderya ay isang kainan na kadalasang makikita sa labas ng mga tanggapan, pagawaan, paaralan, mga istasyon ng bus at pantalan. Ito ay nagbebenta ng mga ulam na nakalagay sa mga nakahilerang mga kaldero. Tinatawag din itong “turo-turo” dahil itinuturo ang mga ulam na gusto mong kainin mula sa mga pagpipiliang ulam. Dinadagsa ito ng karamihan ng mga trabahador dahil sa mura at masarap na pagkain at mabilis na serbisyo.

Nagsimula ang karinderya bilang tindahan ng mga lokal na pagkain noong 1800. Ngunit bago pa iyon, kilala ito bilang tiendas (sa ingles, stalls) noong panahon ng mga Kastila bilang tindahan ng pampalipas uhaw kapag tag-init o ‘di kaya’y mga kakanin at mainit na inumin kapag Simbang Gabi. Sa tuwing panahon din ng kapistahan ng Birhen ng Antipolo na mas kilalang Ang Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay ng Antipolo, makikita ang mga karinderya malapit sa simbahan na nag-aalok ng mga pagkain sa mga debotong umaakyat sa Antipolo at Cainta. Lalo pa itong sumikat dahil sa pagbubukas ng unang tren noong 1892 na tumatakbo mula Maynila hanggang Dagupan, na umabot hanggang Bicol noong 1900.

Mula noon, nagsulputan ang mga karinderya sa mga lansangan. Nariyan ang mga pansitan na nagbebenta ng mga lutuing-Intsik at mga lugawan sa bawat tabi ng mga gusali. Tumatak sa mga Pilipino ang mga karinderya at patuloy pa ring hinahanap-hanap dahil dito makikita ang mga “lutong-bahay” na hindi makikita saan man.

Fast food chain
Kasabay ng pagbabagong teknolohikal, nagbabago rin ang pamumuhay ng mga Pilipino. Dahil dito, tumaas ang pangangailangan ng mga ito sa mga pagkaing naihahanda nang mabilis, kaya nagsimula ang isang makabagong kainan na kung tawaging ay “fast food”. Base pa lamang sa pangalan nito, ang mga fast food chains ay nag-aalok ng mga pagkaing ihahain sa iyong harapan sa loob lamang ng ilang minuto. Ilan sa mga sikat na fast food chains ay ang Jollibee, Mcdonald’s, Mang Inasal, Pizza Hut, at marami pang iba. Hindi rin biro ang pagpapanatili sa mga ganitong kainan. Nagsagawa ako ng mga pananaliksik kung paano nga ba sila sumikat sa ating Pilipino at kung paano sila naging bahagi na rin ng identidad ng modernong Pilipino.

Nagsimula ang Jollibee bilang ice cream parlor noong 1975. Unti-unti itong lumaki at nagkaroon ng karagdagang sangay hanggang kumita ito ng isang bilyong piso at malista sa Philippine Stock Exchange ilang taon ang makalipas. Pagkatapos ng tatlompu’t dalawang taon, umabot na sa anim na raan ang sangay nito sa ating bansa at limampu sa iba pang bahagi ng mundo. Naging paborito ito ng karamihan ng mga Pilipino dahil pinanatili nito ang tatak-Pilipinong mga pagkain kasabay ng mga pagkaing bago sa ating panlasa.

Isa pang maipagmamalaki nating mga Pilipino ang Mang Inasal. Nagsimula ang negosyong ito bilang isang carinderia sa Bacolod kung saan ipinagmamalaki ang inasal o inihaw na manok. Isa sa mga dahilan kung bakit naging matibay ito sa kabila ng mga kanluraning kainan ay ang pagpapanatili ng tradisyunal na paraan ng pagluluto. Gumagamit pa rin sila ng mga produktong lokal tulad ng uling, barbecue sticks, calamansi, pampalasa, gulay at isda na ginagamit nila sa pagluluto. Higit pa roon, ipinapatikim ng Mang Inasal sa mga Pilipino ang tradisyunal na pagkain sa makabagong panahon, kaya’t hindi malayong patuloy pa rin itong mamahalin sa susunod pang henerasyon.

Hindi man nagsimula sa ating bansa, mainit pa ring tinatanggap ng mga Pilipino ang McDonald’s. Dinala ang McDonald’s sa ating bansa noong 1981. Ipinakilala nito ang mga classic na pagkaing kanluranin tulad ng hamburger, french fries, sundae at marami pang iba. Noong taong 2005, tuluyan nang napagmay-arian ang McDonald’s ng Pilipino at patuloy na nagbibigay serbisyo sa maraming parte ng ating bansa. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang paglawak at pagtulong nito sa mga Pilipino. Isa sila sa mga unang nagpatupad ng 24/7 service kung saan bukas sila magdamag. Hindi lamang iyon, tanyag sila sa pagsisimula ng pagkakawanggawa sa pamamagitan ng pagbuo ng mga proyekto tulad ng sa pagtatayo ng mga bahay, misyong medikal at edukasyon.

Ang pagkain ay isa sa mga salik na nagtatakda ng kultura ng isang bansa. Malaki ang epekto nito sa kung paano namumuhay ang mga mamamayan doon. Sa Pilipinas, ang kasaysayan ng mga pook-kainan na ito ay napakakulay. Marapat lamang na pahalagahan natin ito dahil ito’y tunay na maipagmamalaki at kapupulutan ng inspirasyon.

Sanggunian:
Glenn and Anne Martinez, “The Story of the Carinderia,” in Traveler on Foot: A Travel Journal; available from http://traveleronfoot.wordpress.com/2008/06/16/the-story-of-the-carinderia/; Internet; accessed 05 March 2010.

Miko Santos, “Turo-Turo: Fastfood’s Predecessor in Pinoy Culinary History” in Asian Journal; available from http://www.asianjournal.com/aj-magazine/midweek-mgzn/417-turo-turo-fastfoods-predecessor-in-pinoy-culinary-history.html, 09 July 2008; Internet; accessed 07 March 2010.

History of Success of Jollibee, Pizza Hut, Mang Inasal, KFC; available from http://www.sulit.com.ph/index.php/view+topic/id/20044/history+of+succes+of+jollibee,pizza+hut,mang+inasal,kfc; Internet; accessed 07 March 2010.
*Ang huling sanggunian ay isang pagsasama-sama ng mga kasaysayan ng mga nilalaman mula sa iba’t ibang sanggunian na kinabibilangan ng mga sumusunod:

http://www.pizzahut.com.ph/2007/about.php

http://www.jollibee.com.ph/index.php?/about_us/contents/1

http://www.manginasal.com/home.html

http://www.mcdonalds.com.ph/about

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: