Ang Ugat ng Pamimirata

ni I.E. Alcantara

Isa sa mga pinakamalaking problema sa Pilipinas ay ang pamimirita o pangongopya ng mga ideya at ginawang produkto ng may-akda. Sa ating bansa, laganap ang pagbebenta ng mga piniratang CDs, DVDs, at VCDs. Laganap ang pangongopya ng mga iba’t ibang kanta, pelikula at pati na rin mga ipinalalabas sa TV. Ang mga ito ay halimbawa ng sinasabi nating pamimirata.

Ayon sa IIPA o International Property Alliance, isa ang Pilipinas sa mga bansang laganap ang pamimirata. Sinasabi nila na 222 milyong dolyar ang kabuuang lugi ng mga kompanya sa taong 2008.[1] Kung ating papansinin, napakalaki ang naging epekto ng pamimirata sa bansa. Kung ganito na pala ang sitwasyon natin sa Pilipinas, bakit hindi ito nilalabanan ng gobyerno. Hindi ba’t may mga batas tayo hinggil sa pamimirata at pamemeke? Isang bagay ang kapansin pansin sa bawat tiangge na nagtitinda ng mga pinaratang CD at DVD. Bawat isa sa kanila ay may mga guwardyang nakabantay sa bawat sulok ng tiangge. Hindi ba dapat hulihin ng mga guwardiya ang mga nagbebenta ng mga piniratang produkto kaysa bantayan nila ang mga ito? Isa lamang ang mahihinuha sa sitwasyong ito. May perang nakukuha ang mga nagbabantay sa mga tiangge na ito. Dito pa lamang, patunay na laganap ang korupsyon sa bansa. Makikita rin na mahina ang pagtataguyod ng mga batas hinggil sa pamimirata sa ating bansa.

May isang araw na inalok ako ng pinsan ko na sumama sa kanya sa “Ruins”, isang tiange ng mga piniratang CDs at DVDs, para bumili ng isang pelikula na hindi niya napanood sa sinehan. Tinanong ko siya, “Ano ba ipinagkaiba ng peke sa original?” Sabi niya, “Mas mura kasi pag dito ka bumili.” Sa loob – loob ko, tama nga naman ang sinabi niya. Kung ating ikukumpara, mabibili ang mga orihinal na DVD sa halagang 700 pesos subalit 60 pesos lamang ang isang pekeng DVD. Napakalaki ng pinagkaiba ng dalawang presyo na ito. Gaya ng sinabi ni G. Tilman Baumgartel, “New movies on DVD were sold for 700 pesos and more in regular shops, more recently the prices have dropped to around 500 pesos. Of course, with prices like these, the purchase of legal DVDs is still out of reach for the majority of Filipinos [that is why they turn to buying pirated DVDs instead].[2] Dahil sa sinabi ni Baumgartel at sa personal na karanasan ko, makikita natin na may ugnayan ang pamimirita (piracy) at paghihirap (poverty). Kung ikaw, ano ang pipiliin mo? Bilang isang ordinaryong mamimili, higit na pipiliin ko na rin bumili ng mumurahing DVD.

Sa sinabi naman ng aking kaibigan nang tinanong ko siya, “Bakit ka ba kumokopya ng mga kanta sa internet kaysa bumili ng orihinal na CD?” ito ang naging sagot niya sa akin. “Nagdo-download nalang ako ng mga kanta kaysa bumili ng CD kasi hindi naman lahat ng mga kanta sa CD Album ay gusto ko.” May pagkapraktikal ang kanyang isinagot sa akin. Kung ating iisipin, mas praktikal na mag-download ng mga kanta galing sa internet kaysa bumili ng mga mamahaling “audio cds”.

Alam naman natin na malaki ang epekto nito sa mga kompanya na direktang naaapektuhan ng suliranin na ito. Halimbawa, kapag may inilabas na libro ang isang sikat na may-akda at sinimulan ito kopyahin ng mga pirata, bababa ang kita ng may-akda at magiging negatibo ang kurba ng demand nito. Higit na pipiliin ng mga mamamayan na kopyahin na lamang ang libro kaysa bumili pa nito kung kaya’t nalulugi ang may-akda. Karagdagan dito, sabi ni G. Landes, “the only really serious concern about such copying is that it may prevent the record company from recovering costs that it incurs in producing and marketing that are unrelated to the expense of the artist”.[3] Ibig sabihin ng pahayag na ito, kapag maraming kumopya ng libro niya, hindi mababawi ng may – akda ang lahat ng gastusin niya hinggil sa paglilimbag ng kanyang libro. Samakatuwid, maaring hindi na magkakaroon ng pondo at kita ang may-akda upang makapagsulat pa ng bagong libro. Nasasalamin ito sa bawat kompanyang nawawalan ng kita dahil sa mga namimirata. Ngunit ano ba ang epekto nito sa ating mga ordinaryong mamamayan? Sa aking mga pinag-aralan noon tungkol sa ekonomiks, bawat produkto na ibinebenta sa merkado ay may kaukulang “tax revenue” na tinatawag. Ang tax revenue na ito ay napupunta sa gobyerno upang gamitin sa iba’t ibang proyekto. Dahil ang merkado ng mga namimirata ay tinatawag na “underground economy”, malaking bahagi ng tax revenue ang hindi natatanggap ng gobyerno. Ito ang maaaring isa sa mga dahilan kung bakit humihirap ang mga Pilipino. Dahil sa suliraning ito, marami ang naaapektuhan.

Kung tatanungin ko ang bawat tao na aking makikita sa daan ng, “Bumibili o nagdo-download ka ba ng mga pirated softwares, CDs o DVDs?” Marahil ang isasagot sa akin ng karamihan ay oo. Patuloy na lumalala ang sitwasyon ng pamimirata sa Pilipinas at kailangan na itong mairesolba. Ngunit paano natin ito sisimulan? Isa sa mga pinakaimportanteng dapat maitaguyod ng gobyerno ay ang mga batas hinggil sa pamimirata o piracy. Importanteng maitaguyod ito upang mawala na ang mga nagbebenta ng mga pinagbabawal na produkto. Isa pang paraan upang maitigil ang “black market” na ito ay iwasan natin ang pamimili ng mga piniratang produkto. Sapagka’t tuwing mataas ang demand sa mga ganitong klaseng produkto, patuloy silang magbibigay ng suplay ngunit kung bababa ang demand sabay na bababa rin ang suplay. Disiplina ang kailangan ng bawat isa upang masugpo ang suliranin na ito.

PAGNANAKAW ang katumbas ng pamimirata. Ito ba ang gusto nating tatak bilang mga Pilipino? Mga magnanakaw ng ginawa ng iba? Huwag naman sana.

Hindi pa huli ang lahat para magbago.


[1] International Intellectual Property Alliance, “2009 Special 301: Philippines,” IIPA, 17 Feb 2009, <http://www.iipa.com/rbc/2009/2009SPEC301PHILIPPINES.pdf&gt; (accessed 12 Dec 2009).

[2] Tilman Baumgartel and University of the Philippines Film Institute, “Asia Forum 2006 –    Whither the Orient: The Culture of Piracy in the Philippines,” Asia Forum, 2006, <http://www.thing.de/tilman/piracy.pdf&gt; (accessed 12 Dec 2009).

[3] William Landes, The Economic Structure of Intellectual Property Law (Cambridge, Mass.: Harvard UP, 2003), 50.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: