Kabibe

ni A.J. Piquero

Sa ilalim ng mainit na araw, naglalakad ako sa tahimik na tabing-dagat, pinagmamasdan ang banayad na indayog ng mga alon sa asul na dagat na tila may kakaibang kintab sa pagtama ng sikat ng araw. Sa aking bawat hakbang, ramdam ng aking mga paa ang init ng buhanging tinusta sa pagkabilad nang maraming oras. Nang umihip nang malakas ang hangin, nadala ang aking suot na kupya at bumagsak sa di-kalayuang bahagi ng dalampasigan. Sa pagkuha ko ng aking sumbrero, nakita ko ang isang kabibeng bahagyang nakabaon sa buhangin. Napansin kong mayroon itong laman sa loob kaya sinubukan kong buksan at nagpakita sa aking kamay ang isang perlas na kahit hindi gaanong kagandahan ay may kakaibang katangiang sa iyo’y magpapamangha.

Isang taon ang lumipas at bumalik uli kami sa parehong lugar. Bitbit ang perlas na inilagay ko kasama ng aking iba pang kagamitan, muli kong pinagmasdan ang karagatang nang-aakit sa mga turistang nakakakita ng kanyang ganda. Sa kabila nito, marami akong nakitang pagbabago sa aking paligid. Iba’t ibang mga bagong tanawing sa aki’y naghihintay na matuklasan.

Samu’t saring mga tindahan ang nagsulputang parang kabuti sa may entrada ng tabing-dagat na nag-aalok ng iba’t ibang gamit tulad ng mga porselas, kwintas, damit, kupya, bag, at pagkain. Dahil sa sikip dulot ng labis na bilang ng taong nagsisiksikan, nahirapan akong lumibot sa mga tindahan at tumingin-tingin ng mga paninda. Kahit na halos magpalitan na ng mukha ang mga tao at mapawisan dahil sa siksikan at init, tila bakas pa rin sa mga mamimili at tindera ang ngiting na kakahawa at pumapatay sa kalungkutang dala ng buhay sa siyudad. Kung sa bagay, humuhugot ang mga ito ng malaking bilang ng tao at maituturing na isang epektibong paraan ng pagbibigay-trabaho sa mga lokal na residente. Dahil din dito, nakikilala ang lugar na iyon sa mga produktong maari nilang ipagmalaki.

Hindi pa man ako nakakatungtong sa mabuhanging bahagi ng tabing-dagat, masisilayan na sa malayo ang iba’t ibang paraan ng pagsasaya sa karagatan. May mga nakasakay sa mga salbabidang may sari-saring hitsura – may hugis saging na kayang magdala ng apat o higit pang mga ‘pasahero’ na aliw na aliw kapag sila’y hindi na kayang makakapit sa higanteng salbabida at nahuhulog na lamang sa dagat, mayroong parang “flying carpet” na animo’y umaangat sa dagat, at marami pang iba. Naroon din ang mga jet ski na pwede mong sakyan kung gusto mong malibot ang lugar. At sa pagsapit ng gabi, makikita mo ang mga naggagandahang presentasyon ng mga mananayaw na kung tawagin ay “poi dancers” na sumasayaw sa may hawak na taling may bola o apoy sa dulo – na para sa akin ay may kasamang espiritong kasabay sa pagsayaw – at mga sayaw na nagpapakita ng kayamanan ng kultura ng lugar na iyon. Hindi na rin mawawala ang mga beach party na sumasabay sa mga tugtuging moderno na may kasabay na pagsayaw ng mga ilaw.

Naging daan din ang mga bakasyunang ito upang mapalawig ang interes ng mga tao sa mga larong pampalakasan. Maliban sa nakasanayan na nating wave surfing at beach volleyball, nariyan na ang wakeboarding kung saan hihilahin ka habang nakakapit sa isang kable habang dumaraan sa mga rampa, sa tubig o ‘di kaya’y sa mga mabababang pader. Isa sa mga paborito kong panoorin ay ang Frisbee. Sa larong ito, nagagamit ng bawat isa ang buong katawan upang magpasahan at mag-agawan ng Frisbee. Napaghuhusay ng larong ito ang talas ng isip at bilis ng mata, kamay at paa upang manalo, isama pa ang pagpapatibay ng samahan at pagkakaibigan.

Kasabay ng mga pagbabagong aking nasaksihan sa loob lamang ng maiksing panahon, makikita rin ang pagsulong ng iba pang mga industriya sa lugar na iyon. Naging mabilis ang pagpapalitan at paggawa ng mga produkto na malaki ang itinutulong sa bawat mamayan. Bakas ito sa mga dami ng mga paninda sa pamilihan at sa bilis ng kalakalan. Napagpapalawig din ang kamalayan ng mga residente sa tamang pangangalaga ng kapaligiran at mga likas na yaman. Sa tulong ng tamang paglilinang ng mga ito ay tiyak ang magiging pag-unlad ng mga mamamayan at ng kanilang komunidad.

Pinagmasdan ko muli ang hawak-hawak kong perlas at inisip muli ang mga nangyari. Napagtanto ko na hindi imposibleng mahanap ang perlas ng tao sa kanyang sarili, o sa kaso ng mga mamamayan at ang tabing-dagat na ito, ang perlas ng kanilang lugar. Kailangan lamang ng isang malawak at malikhaing pag-iisip at tamang pamamahala upang mailabas ang natatanging ganda ng perlas na ito na dating nagtatago sa madilim at malamig nitong kabibe.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: