Kulturang Bayanihan: Pagpapakita ng Bayanihan sa Kadiliman ng Ondoy

ni J. Chenglay

Noong umaga ng Setyembre 26, 2009, binalak kong pumunta sa Magis (ito ay isang tutorial center sa Katipunan) upang magpaturo ng iilang mga konsepto sa Matematika. Handang-handa na ang aking aklat sa Calculus kasama ng sangkatutak na scratch paper. Nagbaon pa ako ng payong dahil mukhang hindi titigil kaagad ang ulan noong umagang iyon. Pababa na ako ng hagdanan nang narinig kong tinatawag ako ng aking ama. Nagyaya siyang kumain kami ng almusal sa isang breakfast buffet dahil mayroon siyang discount coupon. Hindi ako nakatanggi sa kanyang inaalok kaya agad naman akong pumayag na sa hapon na lamang mag-aral. Habang nilalasap ko ang aking mga pagkaing pang-almusal hindi ko namalayan na labis na palang lumakas ang ulan sa labas.

Nakakakonsiyensiya ngang isipin na habang sinisimot ko ang pinaluto kong crepe, marami na palang mga Pilipino ang nakararanas ng matinding baha hanggang sa loob ng kani-kanilang tahanan. Lumubog ang mga sasakayan, bahay, opisina, pasyalan at maraming mga taong nalunod at nasugatan. Agad akong nagpasalamat sa almusal na nakapagligtas sa akin mula sa matinding baha sa Katipunan. Alam kong makasarili ang pag-iisip na ito ngunit sa panahong iyon naramdaman ko ang pangangalaga ng Panginoon. Pagkatapos ko mapagtanto ang pangyayaring ito sa buhay ko, inalam ko rin ang epekto ng bagyo sa buhay ng iba.

Noong Setyembre 26, 2009, nakilala ng mga Pilipino ang isa sa pinakamalalang trahedya sa bansa: ang unos na nangangalang, Ondoy. Malala ang naging epekto nito sa mga mamamayan ng Pilipinas. Kasama ng 25 na lalawigan, ang maynila ay dumaan sa isang state of calamity na tunay na di malilimutan dahil sa loob ng 6 na oras, umulan ng mahigit kumulang pang isang buwan na tubig ulan. Sinasabi ng marami na ito na daw ang pinakamalalang bagyo sa loob ng 20 taon, at hindi sila nagkamali.

Mahigit kumulang 250 ang namatay, 2 milyon ang direktang naapektuhan, at 4 na bilyong piso ang halaga ng pinsala nito sa agrikultura at iba’t ibang sektor pa ng ekonomiya. Marami akong kilala na nawalan ng mga kotse, nawasak ang mga bahay at nakulong sa itaas na bahagi ng kanilang bahay habang inantay ang pagbaba ng tubig baha.

Alam na natin ang iba’t ibang mga nakalulungkot na kuwento tungkol sa mga naapektuhan ng Ondoy. Maraming mga nawalan ng materyal na ari-arian at marami ring nawalan ng mga minamahal sa buhay. Nawalan ng pag-asa ang karamihan sa mga Pilipino. Nasira ang kanilang buhay at naniwalang hindi na sila makababangon muli. Ngunit bukod sa pagkasira at kadiliman, ano ang naging kontribusyon ng Ondoy sa kasaysayan Pilipinas? May kinalaman ba ito sa kultura ng Pilipino? Maaari.

Kilala ang mga Pilipino bilang mga taong may pamamalasakit sa kapwa. Sa 19 na taon ko na nabubuhay, noong panahon ng Ondoy ko lamang tunay na nakita ang ugaling ito. Dito ko nakita ang tunay na kultura ng bayanihan.

Ang “bayanihan” ay nagmula sa salitang “bayan” na nangangahulugang isang nagkakaisiang komunidad na may iisang layunin. Nang dahil sa Ondoy, nagsilabasan ang pagmamalasakit sa kapwa. Libu-libong mga estudyante ang nagboluntaryo ng kanilang oras at puwersya upang makahandog ng serbisiyo sa para sa mga nasalanta. Ginawang relief goods center ang mga paaralan at simbahan. Dito inilagay at pinaghalo-halo ang mga donasyon ng mga nais tumulong. Namangha at natuwa ako sa dami ng estudyanteng nagpunta sa kani-kanilang paaralan upang tumulong. Sa Ateneo pa lamang ay bundok-bundok na ng mga relief goods ang kusang ipinapamigay sa mga nangangailangan. Bumalik rin ako sa aking hayskul upang tumulong sa pag-ayos nila ng relief goods at nakakagalak na makita na pati ang mga bata ay natutuwang makisama sa pagtutulong. Bukod sa mga relief goods centers, naipakita rin ang bayanihan sa pamamagitan ng pagbukas ng tahanan sa mga nangangailangan. Nagtulungan ang mga magkapit-bahay na maibalik sa normal ang kanilang buhay. Marami ang nag-alok ng kanilang bubong at pagkain kahit sa mga hindi nila kilala. Ang mga ospital at iba pang pampubikong lugar ay nagsilbing panandaliang tahanan sa mga labis na naapektuhan. Naipakita ng marami na mahirap man o mayaman ay may maitutulong rin. Nawala ang social classes at age gaps. Ang lahat ay pantay-pantay na naintindihan ang pangangailangan ng pagtulong sa kapwa Pilipino.

Dahil sa Ondoy, naunawaan ko ang halaga ng bayanihan. Natuklasan ko ang kapangyarihan nito at nakita ko ang mga mabubuting epekto. Ipinagmamalaki ko ang lahing Pilipino dahil sa kulturang ito. Nakakalungkot lang isipin na kailangan pa nating masalanta ng isang malakas na bagyo upang maipakita ang ugaling ito. Kung iisipin natin, maari naman nating ipakita ang bayanihan sa pangkaraniwang araw. Marami tayong maaaring gawin upang makatulong sa kapwa Pilipino. Maging malaking tulong man o munting pagpapakita ng pagmalasakit, siguradong makabubuti sa buhay ng marami ang kulturang ito.

Lagi nating sinisikap na yumaman ang kultura ng sining. Maraming nangangarap na maging singer, dancer o maging artista sa telebisyon upang mapayaman ang kultura ng sining ng Pilipinas. Ngunit sa palagay ko, masmahalaga ang pagpapayaman ng kultura ng kagandahang asal ng mga Pilipino. Tulad ng bayanihan at pagmamalasakit sa kapwa noong panahon ng Ondoy, dapat nating ipagmalaki ang mga taglay na mabubuting ugali ng mga Pilipino. Ipakita natin na ang pagpapayaman ng kultura ay pagpapayaman rin ng kagandahang asal ng mga mamamayan.

Pilipino para sa Pilipino. Ipakita natin sa mundo ang ipinagmamalaki nating Pilipino.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: