Mga Artistang Sumasabak sa Pulitika

ni I.E. Alcantara

Kung ating mapapansin sa ating bansa, bawat eleksyong nagaganap palaging may artistang kumakandidato para sa isang puwesto sa gobyerno. Noong halalan ng 2004, nakita nating tumakbo si Fernando Poe Jr. laban kay Gloria Macapagal Arroyo para sa pagkapresidente. Kasabay ni FPJ si Manuel “Lito” Mercado Lapid na tumakbo naman para sa senado. Ngayong taon ng 2010, marami sa mga artista ang tatakbo upang makaupo sa isang puwesto sa gobyerno.  Mga halimbawa ng mga artista na tatakbo ay sina Edu Manzano at Ramon “Bong” Revilla Jr. bilang mga partido ni Gilbert Teodoro, Richard Gomez bilang congressman ng Ormoc, Cesar Montano bilang gobernador ng Bohol, Ara Mina bilang konsehal ng Quezon City, Vilma Santos bilang partido ni Noynoy Aquino, Lito Lapid bilang gobernador ng Pampanga at higit sa lahat si Manny Pacquiao bilang kongresman sa Saranggani.[1] Napakaraming artista ang kumandidato para sa halalan ng 2010. Ngunit, tama ba na ginagamit nila ang kanilang kasikatan bilang estratehiya upang manalo sa halalan?

Noong halalan ng 2004, apatnapu’t tatlong artista ang kumandidato para sa isang puwesto sa gobyerno. Dalawampu sa kanila ay nanalo (47%). Sa kabilang dako naman, limampu’t pitong artista ang kumandidato sa halalan ng 2007 at dalawampu’t apat sa kanila ay nanalo.[2] Kung ikukumpara natin ang bilang ng mga artistang kumandidato at nanalo sa halalan ng mga taong 2004 at 2007, makikitang nagkaroon ng pagtaas sa bilang ng mga artistang kumandidato at nanalo. Kung susuriin ang iba’t ibang salik ng kanilang pagkapanalo, hindi maiiwasan sabihin na kasikatan ang nagdala sa mga artista upang manalo sa halalan dahil may iba pa bang rason kung bakit sila binoto ng mga mamamayan.

Bago pa man sumali sa larangan ng pulitika ang mga artistang ito, kabilang sila sa mga tinatawag na “icons” o mga idolo ng bayan dahil sa husay nila umarte sa telebisyon.[3] Dahil sa kapangyarihan at impluwensya ng telebisyon o “media” sa mga mamamayan, nahubog ang reputasyon at imahe ng mga artista bilang mga “public servants”. Sa ganitong pagtingin sa mga artista, nagiging bayani sila sa pagtingin ng mga mamamayang Pilipino kung kaya’t sila ang naboboto pag dating ng halalan.

Kaugnay sa pamamaraan ng mga mamamayan sa pagpili ng kanilang mga kandidato, kadalasang binoboto ng mga ordinaryong mamamayan ang mga higit nilang kilalang kandidato, isang suliraning mahihinuha sa kapangyarihan ng telebisyon. Higit na pinipili nilang iboto ang mga kandidato na sikat para sa kanila kaysa sa mga kandidato na hindi nila kilala. Madalas  marinig sa mga ordinaryong mamamayan ang mga pangungusap na, “Siya na lang iboboto ko, siya lang kilala ko eh.” o kaya naman, “Iboboto ko siya kasi mas sikat siya kaysa kay (pangalan ng kandidato)”. Kung ganito ang pag-iisip ng karamihan, marahil sa darating na halalan ay puno na ng mga artista ang ating pamahalaan. Ang nagiging problema sa ganitong pag-iisip ay bumoboto ang mga mamamayan hinggil sa popularidad ng kandidato at hindi na sa kanilang “qualification” kung tawagin.  Sa kabilang dako naman, may mga mamamayan ring nagsasabing hindi raw dapat mabilang ang mga artista sa larangan ng pulitika dahil unang – una wala silang sapat na kaalaman at karanasan hinggil sa pulitika at pamumuno.[4] Isang larangan ang pulitika, samakatuwid kailangan ito pag-aralan. Upang umunlad ang bansang Pilipinas, mga eksperto sa larangan ng pulitika ang kailangan at hindi ang mga sikat na artista.

Sa papalapit na halalan sa Mayo 2010, maraming artista ang kumandidato. Responsibilidad ng mga mamamayan na alamin kung sino sa mga artistang ito ang may maiaambag at maitutulong sa ating bansa. Hindi ko sinasabing masamang iboto ang mga artistang kumakandidato. Ang nagiging suliranin lamang dito ay mas pinipili ng mga tao ang mga kandidatong higit na sikat kaysa sa isa. Mas nagiging pabaya ang mga tao dahil sa suliraning ito. Kung kaya’t nagsisi ang mga mamamayan kapag nanalo na ang kandidatong akala nila makatutulong sa ating bansa.

Ang problema sa ating mga Pilipino ay nagiging batayan ang kahusayan ng artista umarte o kaya sa kasikatan niya para siya na ang iboto sa halalan. Importante na malaman muna ng mga boboto ang mga pinag-aralan ng mga kandidato sapagka’t kailangan nila malaman kung karapat – dapat ba ang kandidato sa puwesto. Dito pumapasok ang tungkulin ng mga mamamayan na makealam at piliin ang tamang kandidato.

Hindi batayan ang kasikatan ng isang artista na siya’y magaling mamuno sa gobyerno. Karanasan sa pamumuno, panunungkulan sa gobyerno ng ilang taon at pagiging matulungin at maserbisyo sa mga mamamayan ang dapat maging basehan.

Pagsali sa PULITIKA ay hindi katumbas ng pag-arte sa PELIKULA. Ito ang dalawang bagay na hindi dapat pinag-uugnay at pinagsasama.

P – ara

U – miwas sa

L – aganap na korupsyon

I – sipin muna ang

T – amang

I – boboto

K – ahit

A – rtista


[1] NoypiTayo Administration, “List of Celebrities Running for 2010 Election Revealed!,” NoypiTayo, 20 Nov 2009, <http://www.noypitayo.com/2009/11/list-of-celebrities-running-for-2010-election-revealed/&gt; (accessed 26 Jan 2010).

[2] Gladstone Cuarteros, “Celebrity Politicians: How They Fared,” institute for popular democracy, 19 June 2007, <http://ipd.org.ph/main/index.php?option=com_content&task=view&id=84&Itemid=1&gt; (accessed 09 March 2010)

[3] Ibid.

[4] Mo  Twister, “Have You Ever Voted For A Celebrity Politician?,” Good Times With Mo: The Blog, 03 February 2010, <http://www.motwister.com/blog/2010/2/3/have-you-ever-voted-for-a-celebrity-politician.html#comment7252835&gt; (accessed 09 March 2010).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: