Text: Mabuti o Masama?

ni F.E. Zarate

Kilala ang mga Pilipino sa kanilang hilig sa pagpapadala ng mga text message gamit ang cellphone. Naging bahagi na ng kulturang Pilipino ang text messaging. Ginagawa ng halos lahat ng mga Pilipino. Kahit ako, mahilig din magpadala ng text sa aking mga kaibigan lalo na kung kailangan ko silang kausapin.

Kung ihahambing ito sa pagtatawag, higit na mura ito kaya nakakatipid ang mga Pilipino. Umaabot ng halos anim na piso ang isang tawag sa cellphone, ngunit isang piso lamang ang halaga ng isang text.

Kapag inihambing naman ito sa tradisyonal na pagsusulat ng mga liham, higit na mabilis ang pagpapadala ng text. Kadalasan, nakukuha kaagad ng pinadalhan ang text message. Hindi ito tulad ng pagpapadala ng liham ng isang tao na inaabot ng halos dalawa o higit pang araw bago ito matanggap ng kanyang sinulatan.

Sa pag-unlad ng teknolohiya, nasanay ang mga tao sa mabilis na pagtrabaho. Gusto nilang gawin ang lahat sa isang saglit lamang. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nauso ang text sa mga tao lalo na sa mga Pilipino. Mabilis ang komunikasyon.

Totoo na maraming pakinabang ang text messaging sa mga Pilipino, ngunit minsan, hindi rin ito nakabubuti sa atin. Dahil dito, nababawasan ang pagiging pormal ng ibang Pilipino sa pagkilos at sa pagsasalita.

Kung mayroong iuutos, ibibilin, sasabihin o tatanungin, idinadaan na lamang sa text. Noon, nagsusulat ng liham sa isa’t isa ang magkasintahang nagliligawan. Kung nais na nilang makipaghiwalay, nagkikita sila upang pormal itong gawin. Sa kasalukuyan, idinadaan na rin sa text and pagliligawan at pakikipaghiwalay. Idinadaan din sa text ang panghihiram ng gamit ng iba kahit pangungutang.

Naaalala ko ang madalas na paalala sa akin ng aking mga magulang. Sinasabi nila sa akin na “Kung may kailangan ka, ikaw ang lumapit” upang hindi maging bastos sa hinihingian ng tulong lalo na kung higit na nakatatanda siya. Hindi naman tunay na kabastusan ang pagpaparating ng mensahe sa pamamagitan ng text, ngunit iba pa rin kung personal kang lalapit sa hinihingian nang tulong dahil higit na pormal at kagalang-galang ito.

May sinusunod na panuntunan ang kagandahang asal na dapat pinag-uusapan nang harapan ang mahahalagang bagay nang harap-harapan. Hindi ito maaaring daanin na lamang sa napakaimpormal na paraan tulad ng pagpapadala ng text.

Hindi rin ito naaayon sa mga kaugaliang sinusunod ng mga matatandang Pilipino noong unang panahon. Maaaring sabihin na dahil makabago na ang pamumuhay ng mga Pilipino ngayon, katanggap-tanggap na ito ng nakararami, ngunit dito nakikita ang tunay na pagkatao ng isang indibidwal. Napapakita kung gaano niya napahahalagahan ang paggalang sa iba lalo na sa matatanda.

Dahil sa text messaging, naging impormal din ang pagsasalita at pagsusulat ng mga Pilipino. Nakasanayan nila ang paggamit ng mga shortcut na salita kaya minsan, nakakalimutan na nila ang wastong gramatika at pagbaybay ng mga salita. Halimbawa nito paggamit ng mga salita tulad ng “aq, kau, pohwz at xenxa” sa halip na ang tamang mga salitang “ako, kayo, po at pasensiya.” Pinaghahalo din nila ang mga salitang Ingles and Filipino upang makabuo ng mga pangungusap tulad ng “wer u na po?” sa halip na “nasaan ka na?” Para sa akin, nasisira ang kagandahan ng wikang Filipino dahil dito. Tila kawalan na rin ito ng galang sa ating bansa at sa pagiging Pilipino natin. Higit na bababa ang kalidad ng ating wika.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: